huwag mo itong papanoorin sa 14″ TV mo sa bahay.
pwedeng kandidato ang pelikulang ito sa tagline ng ‘WOW PHILIPPINES’. Wala na akong masasabi pa sa ganda ng Cinematography ng pelikulang ito. White Sand, Malinaw na tubig, Piyestang Pinoy, Sayawan at Bugtungan habang nagbabalat ng kasoy na mga kababaihan, tunay ngang ipinakita ng palabas na ito ang isang bahagi sa mapa ng Pilipinas, ang lugar ng mga Cuyunan sa Palawan at ang mga likas at tradisyunal na kayamanan at kultura nito.
Ngunit ang pagiging bida ng pelikulang ito ay hindi lamang dahil sa magagandang imahe nito sa malaking screen ng sinehan kundi higit sa lahat ay ang pagganap ng sikat na idolo ng masa na si Judy Ann Santos. Sa Sta Lucia East ako nanood at bilang isang art film, hindi ko akalain na madami-dami ding tao na halos kumalahati sa bilang ng mga silya sa sinehang iyon. siempre pa, si Juday yata yun. Sinasabi ng ibang si tila si Mara ito mula sa dating teleserye na bubuhaying muli ni Ploning ngunit bilang si Judy Ann ay mayroong MAAMONG IMAHE sa Popular na kultura, masasabi namang tama naman ang karakter na ibinigay sa kanya. Marahil, kung sanay ka nga lang sa iyaking Esperanza, baka hindi ka matuwa sa kanya.
Higit sa malaking tulong ng kasikatan ni Judy Ann sa pagkilala sa obrang ito, mas higit na dapat bigyang pansin ang iba pang mga karakter ng pelikula mula sa teatro katulad na lamang nina Tony Mabesa at Eugene Domingo. At mas higit sa kanila, ang natural na pagganap ng batang si DIgo ang talaga namang nakapagbigay ng karagdagang kulay sa puting buhanginan at malinaw na dagat. Ang mga bersong nabanggit sa ilang bahagi ng pelikula ay masasabing napakatingkad sa pagbibigay nito ng lokalidad. Ang matandang Digo at binatang si Siloy na hindi naman sikat na mga artista ay dapat ding bigyan ng isang masigabong palakpakan sa pagganap. Ang mga nagsiganap ay pinaghalong mga bihasa sa sining ng pag-arte at pamumuhay at kulturang Cuyunan. kapwa nakatulong para sa kalidad ng mga karakter na nagbigay hustisya sa pelikula. sana nga lang ay napansin ito ng madaming manonood at hindi lamang dahil ‘pelikula ito ng idolong si Juday’.
ang isa pang bahagi ng pelikula na dapat bigyan ng malakas na palakpak ay ang masining na editing ng pelikula, ang pagbabalik tanaw na istilo ng kwento ay nabigyang katarungan ng pagkakaayos ng bawat pangyayari. ang bawat senaryo ay naging bahagi ng isang binubuong puzzle.
Ngunit kung ikaw ay naghahanap ng isang kakaibang kwento, bilang isa itong indie film, mahuhulaan mo kaagad ang pinagmulan at katapusan ng buhay ni Ploning katulad sa isang Puzzle na pinaghiwa-hiwalay lamang ang mga piraso upang makabuo muli. Hindi ikatutuwa ito ng madaming bihasa sa mga ganitong uri ng kwento ngunit palagay ko ay isang mabisang hakbang upang mas tangkilikin ito ng pagtinging Pinoy. lalo pa at sasamahan ng elementong ‘paghihintay sa nawalay na pag-ibig’ at pag-asa ng ‘paghihintay sa iniwang pangako’ na likas sa mga teleseryeng kasama na sa popular na midya.
Ginamit din sa pelikulang ito ang lokal na dialekto ng isang lugar sa Palawan at masasabi na isang magandang paraan upang maipakita sa mga manonood na hindi lamang Tagalog o Bisaya ang dialekto sa bansa.
Pagkatapos ng pelikula, kung hindi ka nga lamang babatuhin ng nasa likod mo ngh popcorn ay mapapatayo ka sa iyong kinauupuan upang palakpakan ang buong produksyon ng pelikula, higit sa lahat dahil, ang Buhay ni Ploning ay sumalamin sa madaming kulturang Pilipino at pagbubunyi sa katatagan at kagalingan ng mga babaeng Pilipino. Ang pagbibida kay Ploning kasama sina Celeste, Alma at Nieves ay salamin ng isang kulturang alaga at puspos ng pag-asa pagpapatuloy ng bawat araw.
katulad ng pagbibigay ng mga palayaw sa mga naninirahan sa Cuyo, isa itong napakapersonal na pelikula para sa atin. Ang ngalang Ploning ay isang palayaw sa isang pelikulang may tatak ng kasiningan at kagalingan ng artistang Pilipino.